Monday, August 16, 2010

Pugad din naman kita. / Namumugad ka lamang sa akin kapag hapo ka na sa iyong mga pakikipagsapalaran.

Nang una kitang mapagmasdan ay wala akong mabasa sa iyong mga mata. Kahit ang tinig mo ay parang ihip ng hangin sa awang ng bintana. Nang magdaop ang palad natin ay nakaramdam ako ng dagling pintig, saglit lamang, parang igtad na hindi sinasadya, pagkatapos ay kumalas ka na parang ahas sa pinaghunusang balat.

Nang panahon na iyon kasi ay tila ako hayop sa damo na nakalabas sa parang. Nananaig sa akin ang pangamba. Hindi ko alam kung anong panganib ang nag-aabang sa labas. Siyempre takot masaktan. Pakiramdam ko ay paglalantad ng kahinaan ang pagpapakita ng damdamin.

Paano mo nagagawa iyon? Nakatuon sa akin, sa mukha ko, ang mga mata mo, ngunit natitiyak kong hindi ako ang iyong pinagmamasdan.

...Nag-aalangang lumantad. Natatakot mahayag ang kahinaan. Hindi ko pa tiyak sa sarili kung bubuksan ko sa iyo ang aking dibdib.


...Pugad din naman kita.

Namumugad ka lamang sa akin kapag hapo ka na sa iyong mga pakikipagsapalaran. Ngunit kahit nakahimlay ka sa akin o nasa loob ko pa ay nararamdaman ko na hindi ka mapakali. Palaging balisa...

...Magmula nang buksan ko sa iyo ang aking dibdib at papasukin ka, ay walang sandali sa buhay ko na hindi kita kapiling.

_________________
Balde Jr., Abdon (2004). Hunyango sa Bato. Manila: UST Publishing House.

1 comment:

Fickle Cattle said...

Subtle, but powerful. Lovely post.

http://ficklecattle.blogspot.com/

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...